Barangay Blues

23 Oct

Tumakbong pauwi si Babs. Papunta na sana siya sa simbahan nang hinarang siya ng isang lalaki sa daan. Si Babs daw kasi ang kasama niya noong isang gabi nang malasing siya at kinuha raw ni Babs ang kanyang cellphone. Pinagsisigawan at ibinalandra pa siya ng lalaki sa isang lumang gate na gawa sa yero. Mabuti na lang at nakatakbo siya pabalik ng bahay at humingi ng tulong kina mama at papa (may sakit na siya nito) ngunit nakatakbo na ang lalaki paglabas nila sa kalye.  

Sabado ng umaga nang ito ay mangyari, isang taon na ang nakalilipas.  Nangyari ito ilang hakbang lang mula sa gate ng aming apartment.  Isang matandang lalaki ang saksi, ngunit di raw siya nakialam sa pag-aakalang gusot magsyota ang kanyang nakita.

Kaagad na nagpunta sa bahay ng barangay chairman sina mama at Babs upang ireport ang insidente at para na rin mabigyan ng kaukulang aksyon.  Nagpakuwento at nagtanong si Kap ngunit natapos agad ang usapan nang malamang hindi kami rehistrado sa kanyang barangay. Walang aksyon na pwedeng gawin, walang proteksyon na maaaring tanggapin kasi hindi kami doon sa kanyang barangay nakarehistro (di na kasi kami lumipat ng registration kasi magkadikit lang naman ang dati naming barangay at itong nilipatan namin). Kasalanan daw namin kaya kesehodang may umatake sa babae kong kapatid ay wala silang pwedeng gawin. Baka rin daw syota talaga ng kapatid ko yung lalaki. Case closed. Walang appeal. Parehistro raw muna kami.

Lima lang kami sa bahay at apat sa amin ay nagbabayad ng tax buwan-buwan. Hindi kami nasasangkot sa anumang away at gulo. Kapag inabutan ng sobre kapag piyesta ay ibinabalik namin ito na may laman. Di ako nagyayabang pero kasama naman yata kami sa maituturing na productive members ng lipunan. Ano ba naman ang kaunting konsiderasyon? Hindi ba’t ang idinulog namin kay Kap ay bahagi ng social contract? Ginagawa namin ang tungkulin namin sa estado, kalabisan bang hinging ang nararapat din naming tanggapin bilang kapalit? 

Kung ugali ko lang magmura sa harap ng maraming tao ay tiyak na makaririnig sila sa akin. Pero ipinagkibit-balikat na lang namin. Kaya naman mula noon ay halinhinan kami ni mama sa paghatid kay Babs sa sakayan ng jeep tuwing 5:30 ng umaga, papasok sa kanyang trabaho. Pilit na lang naming kinalimutan si Kap. Sakit lang sa ulo at bangs kung iisipin at pilit na iintindihin.                

Sa Lunes ay muli tayong pipili ng mga bagong mamumuno sa ating barangay. Sa barangay namin (sa dati pa rin kami nakarehistro) ay apat ang tumatakbong kapitan, bawat isa sa kanila ay may kumpletong line up ng mga kagawad. Maraming nanliligaw sa aming pamilya dahil 10 boto ang manggagaling sa mga Evarola (kasama na ang mga tito at tita sa kabilang bahay). Malaking bagay ang 10 boto kapag barangay elections lalo na’t noon huling election ay may nag tie sa ika-7 puwesto sa pagkakagawad at niresolba ito sa pamamagitan ng toss coin. 

Sa Lunes ay muli tayong pipili ng mga bagong mamumuno sa ating barangay. Nang tanungin ako ni mama kung alam ko na ang mga iboboto ko ang sabi ko ay may Chairman na ako pero wala akong iboboto para sa Kagawad kahit na kasama sa mga kandidato ang isang malapit na kababata, isang klasmeyt noong elementary, isang family friend, at ang best friend ni mama na ninang namin ni Babs. Iba ang personal relationships sa pulitika. Hindi ang pagboto ko (o ang hindi ko pagboto) ang sukatan ng aking ugnayan sa kanila. Hanggang ngayong huling araw kasi ng pangangampanya ay wala ni isa sa mga kandidato sa amin ang nangampaya na may hawak na plataporma. Isang pamumunong may prinsipyo ang hanap ko. Trabaho lang. Walang personalan.

Sa Lunes ay muli tayong pipili ng mga bagong mamumuno sa ating barangay. Kasama sa pagkukuwento kong ito ang panalangin na sana ay maging payapa at tapat ang magiging halalan. Dasal ko rin na sana ay magampanan ng mga uupong Barangay at Sangguniang Kabataan chairpersons at ng kanilang mga kagawad ang mga responsibilidad na kaakibat ng kabilang katungkulan. At hindi sana nakabatay sa list of registered voters ang kanilang serbisyo.

Sa Lunes ay muli tayong pipili ng mga bagong mamumuno sa ating barangay. Makatutulong ang dokumentong ito para mapalawig pa ang ating kaalaman ukol sa responsibilidad na nakaatang at mga aasahan natin sa ating mga pauupuin sa puwesto pagkatapos ng eleksyon sa Lunes.

Advertisements

2 Responses to “Barangay Blues”

  1. Butch October 26, 2010 at 2:37 PM #

    From my Tita Gilda, “Nakakalungkot isipin na hanggang sa barangay level, pamumulitika pa rin ang inuuna kaysa sa kapakanan ng mamamayan. Bakit nga ba kayo tutulungan eh wala namang botong makukuha sa inyo? So disgusting!!! May pagbabago pa kaya tayong maaasahan?”

  2. Pogz October 24, 2010 at 11:27 AM #

    Sa states, pinanood ng firemen na masunog ang bahay dahil di daw sila nag babayad ng para sa fire protection sa lungsod nila. Boom.

What do you think?

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: