Tumaya para hindi matuyo

31 Dec

Habang ako’y naglilinis at nagkakalikot ng aking email kanina ay natalisuran ko itong lumang reflection na aking isinulat noong 2005. Wala pa ang Butch Café noong mga panahong iyon kaya diretso sa email ng mga kaibigan ko ang pagbabahagi ko ng aking mga naisusulat. (Di kaya ito ang dahilan kung kaya nila ako binuyo na mag-blog na lamang? Para di makadagdag sa laman ng mga Inbox nila? Haha!)

IMG_0560

Binuksan ko ang taong 2013 sa pagsasabing 2013 is a time to jump!. Noong isinusulat ko ang post na iyon ay wala ni sa hinagap na magiging napakalaki ng magbabago sa buhay ko. At nang mabasa ko nga itong email na ito ang ay napaalalahanan ako na may ilang ulit na nga rin pala akong napaharap sa ganitong sitwasyon dati… ilang beses na rin nga pala akong tumalon at tumaya. Hindi sa lahat ng pagkakataon ay naging maayos ang aking paglapag, di rin madalas na nananalo ako sa aking pagtaya. Ngunit sa kabila ng lahat ay lagi ring ipinapaalala sa akin na ilihis ng kaunti ang tingin at tutukan ang mga taong naging daan para magawa kong subukan ang mga bagay na pwede ko pang subukan at tuklasin. Sila na laging na lamang nagsasabing sige lang Sasaluhin kita… Marami kaming nasa likod mo.” Dahil sa kanila ay may nagkakaroon ako ng lakas ng loob na sumubok at sa pagsubok sa mga bagong sitwasyon at pagkakataon ay mas nakikilala ko ang aking sarili at mas lumilinaw ang daan na pwede ko pang tahakin upang mas maging mabuting tao at makaambag sa komunidad at lipunan.

Kaya naman sa pagsasara ng taong 2013, nais ko ulit magpasalamat sa lahat-lahat ng aking nakasalamuha, makakuwentuhan, nakadebate, nakatrabaho, at nakatawanan. Salamat. Salamat! 🙂

Sa pagpasok ng 2014, tara taya ulit tayo para hindi matuyo. Ang sabi nga sa akin ng isang kaibigan, “Ang kasiyahan ay nakakamit lamang pagkatapos tumaya.”

================

19 December 2005

Ito ang ika-26 na Pasko ko sa mundong ito. At sa ika-26 na Paskong ito ay nakatanggap ako ng isang napakalaking sorpresa. Isang napaka-espesyal na regalo.

—–

Bago matapos ang Nobyembre ng taong ito ay muli akong nakipagkita sa aking Spiritual Director. Mayroon akong nais ihinga at ihingi ng payo. Dumating kasi ulit ang isang pagkakataon na pakiramdam ko ay kailangan kong gumawa ng isang napakahalagang desisyon. Make or break kumbaga.

Aminado akong mahina ako pagdating sa pagdedesisyon para sa sarili ko. Kung buhay ito ng ibang tao, tulad ng isang malapit na kaibigan o kamag-anak, ay tiyak na madali akong makapagpayo. Agad-agad.

Ngunit pagdating sa aking sarili… nag-hello na si Garci ako hindi pa.

Malaki ang nakataya sa magiging desisyon ko. Maraming aasa. At kung magkamali ay maraming magdurusa.

Butch, uuwi naman ang lahat ng ito sa kung saan ka mas sasaya.

“Opo, alam ko po pero kasi di naman ganoon kasimple iyon eh. Maraming dapat iconsider sa pagpili.”

Nagdarasal ka pa ba?

“Opo.”

Saan ka mas panatag? Dama mo ba ang sinasabi puso mo?

“Alam ko po kung saan ako mas magiging masaya.”

Ano’ng pumipigil sa iyo?

“Di matutuwa ang tatay ko. Marami ang madidisappoint.”

Sino ang masusunod?

“Ako nga… pero kasi…”

Handa ka bang tumaya?

“Natatakot po ako. Baka matalo.”

Eh di matuyo ka.

“Tumaya na ako dati. Natalo lang ako. Ayoko nang mangyari ulit yon.”

Pero bakit nasa parehong sitwasyon ka ulit?

“Siguro kasi baka nag-iilusyon lang ako.”

Di ka nagtitiwala sa Diyos mo?

“Nagtitiwala. Di ko nga maintindihan eh pero dati na Niya akong inihulog. Nasaktan lang ako. Tapos nawasak. Ayoko nang maulit ang drama kong ‘I’ll pick up the pieces of my broken heart.’ Paano kung mahulog ulit ako?”

Sasaluhin kita… Marami kaming nasa likod mo.

Isang mahabang katahimikan.

Kinabukasan habang tahimik akong nagdarasal sa aking kuwarto, parehong isyu ang aking idinudulog, ay may narinig akong nagpasaya sa aking puso.

Dalawang ibon ang dumapo sa bintana at tila nag-uusap.

Panay ang huni ng mga ibon.

Tumaya ako.

—————–

December 16, 2005. 11:14 PM. Heto ang sabi sa text message na aking natanggap.

“In behalf of the DLSU Brothers’ Community, I welcome you in warmth and joy to the Aspirancy Program. Please be at the community tomorrow at 6PM for mass, confirmation of your aspirancy, contract reading, and dinner. Good night, fellow aspirant!”

Advertisements

What do you think?

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: