Sino “Sila”?

30 Mar

Here’s my sharing in our parish’s Lenten Recollection. Peace! 🙂

=============

Napadalaw ako sa National Bilibid Prisons sa Muntinlupa noong nakaraang taon bilang requirement sa isang subject ko sa Law School. Doon ko nakilala si Jemar, (di niya tunay na pangalan) labing-anim na taong gulang. Nasa medium security confinement siya kasama ang iba pang kabataang itinuturing na Children in Conflict with the Law o iyong mga kabataang lumabag sa batas. Taga-Negros Occidental si Jemar at panganay sa tatlong magkakapatid. Di nakapag-aral dahil sa kahirapan. Natutong magnakaw sa murang edad at kalaunan ay nakasaksak at nakapatay. Wala pa siyang isang taon sa Bilibid ngunit ayon sa kanya ay parang forever na siyang nakakulong doon. Di niya tiyak kung ilang taon ang kanyang sentensya ngunit sigurado siyang mahigit isang dekada ang kanyang ilalagi roon. At hindi raw naging madali sa kanya ang adjustment sa nilipatang kulungan. Sa medium security kasi, ay hindi lang ang mga CICL ang naroon kundi pati na rin ang mga matatandang inmates. Tinanong ko kung kailan siya huling nakatanggap ng dalaw mula sa kanyang pamilya. Ang sabi niya, “Di sila dumadalaw. Mahirap kasi walang pamasahe. Di ko nga alam kung natatandaan pa nila ako eh. Lalo na yung bunso.” Nanahimik na lang ako dahil alam kong kahit anong sabihin ko ay hindi makakapagpabago sa nararamdaman niya.

11082643_10204917377468214_5653980073401846005_n

Sa ebanghelyo, inilalarawan sa atin ang eksena sa Golgota noong Biyernes Santo. Mataas na ang araw. Nakapako si Hesus sa krus at sa magkabilang gilid niya ay may dalawang kriminal na tulad niya ay nakapako rin. Sa ibaba nila ay naroon ang mga guwardya at sundalo na pagod sa maghapong nagdaan. Patapos na ang araw at hinintay na lamang nilang malagutan ng hininga ang mga nakapako upang sila ay makauwi na. At marahil para maaliw, nagsugal na lamang sila upang malaman kung kanino mapupunta ang mga naiwang gamit ng mga nakapako.

Sa gitna ng eksenang ito, isang panalangin ang nasambit ni Hesus, “Ama, patawarin mo sila, sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.

Ama, patawarin mo sila sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.

Sino nga ba ang Sila na inihihingi ng kapatawaran ni Hesus? Sino nga ba silang ipinakikiusap niya sa Ama kahit na hindi nila nauunawaan ang kanilang mga nagawang kamalian?

Ang mga sundalo kaya na sila mismong nagpako kay Hesus sa krus at nagtayo nito sa lupa sa gitna ng init ng araw? Sila na nagsasabing sumusunod lamang sa utos. Sila na ang bawat pagpako sa krus ay bahagi lamang ng kanilang trabaho. Sila na nagsasabing, “Trabaho lang,  walang personalan.”

Si Pilato kaya na siyang nag-utos na ipako sa krus si Hesus sa kabila ng kanyang paniniwala na wala itong ginawang masama? Si Pilato na nagsalita nang labag sa kanyang puso at isip dahil mas makikinabang siya kung kanyang pagbibigyan ang kagustuhan ng mga lider at ng taong bayan. Siya na nagpadala sa takot na matanggal sa posisyon kung sasabihin ang totoo at nararapat. Siya na naghugas kamay at nagsabing wala akong kinalaman sa nangyari at sa mangyayari pa.

Ang mga punong pari kaya at ang mga eskriba? Sila na ginawang palengke, pinagkakitaan, pinakinabangan, at binaboy ang templo. Sila na nagalit nang dumating si Hesus at nilinis ito at nangaral laban sa kanilang mga balikong gawain. Sila na dahil sa sobrang galit kay Hesus ay binayaran si Hudas upang magtaksil, nag-utos sa mga sundalo para dakpin si Hesus sa Hardin ng Gethsemani, kumuha ng mga testigo laban kay Hesus at iniharap siya kay Pilato, at nagtanim ng mga kasinungalingan sa taong bayan para pagtakpan ang kanilang kasamaan. Sila na nasa pwesto ng kapangyarihan at nagtatamasa ng kaginhawahan dahil sa korapsyon at kayamanan.

Ang mga pariseyo at saduseyo kaya na noong una pa man ay galit na kay Hesus? Sila na sumimangot at umismid nang marinig nila ang mga pangaral ni Hesus tungkol sa kaharian ng Diyos. Sila na nagsasabing sila lamang ang tama sa usaping moralidad at ispiritwalidad. Sila na sarado ang isip, hindi bukas sa realidad ng buhay, at mas pinahahalagahan ang tradisyon at nakaugalian kahit na ang mga ito ay nagiging dahilan ng opresyon at kawalan ng katarungan.

O di kaya… Ikaw at ako. Tayo na tulad ng mga sundalo, ni Pilato, ng mga punong pari, pariseyo, saduseyo, at mamamayang hudyo. Tayo na bahagi ng sistema at istrukturang mapang-api at mapanghusga. Tayo na bahagi ng lipunang hindi marunong makinig sa boses ng mga mahihirap at naaapi at kampante na lamang sa status quo habang nakikinabang at pinoprotektahan ang pansariling interes.

Malaking abala nga naman kung magtatanong at magiging mapanuri. Nakatatakot nga namang makabangga ang mga pulitiko kahit na tuwing eleksyon ay talamak ang bilihan ng boto at kulang na kulang naman ang serbisyo. Mas madaling maglabas ng sama ng loob sa mga kaaway sa Facebook sa halip na kausapin sila at makipagdayalogo. Mas madaling mag-Like at Share sa Social Media kaysa tumayo at lumabas ng bahay upang tumulong sa mga pamilyang walang makain o kaya ay sumali sa mga gawain ng komunidad na naglalayong makapagbigay ng serbisyo sa mga nangangailangan. Mas maiging tumahimik na lang kapag may nakita tayong kaklaseng nangongopya kaysa magsumbong para di tayo mabansagang sipsip at sumbungero. Mas madaling manakit at manukso ng mga bakla, tomboy, at may kapansanan kaysa makita tayong kasama sila o kaya naman ay kaibiganin sila dahil baka tayo ay mabansagang mahina rin tulad nila.

Ang katahimikan ay hindi laging nangangahulugan ng kapayapaan lalong lalo na kung ang katahimikang ito ay bunga ng takot at pagsasawalang bahala. Wala tayong kapayapaan kung sa kabila ng ating sinasabing kaginhawahan ay may batang umiiyak at walang makain, may batang hindi makapasok sa paaralan dahil sa kakulangan ng pera, may mga trabahador na bukas lang ay mawawalan na ng trabaho dahil endo na o tapos na ang kanilang kontrata. Walang kapayapaan hanggang may mga babaeng nabubugbog ng asawa, kung may pag-iisip pa ang ilan na ang mga bakla, tomboy, at may kapansanan ay mahihina at salot sa lipunan. Walang kapayapaan kung may mga pumapatay pa dahil sa relihiyon.

Hindi kapayapaan ang maipakulong ang lahat ng mga magnanakaw at mga mamamatay-tao habang may mga taong ninanakawan ang bayan at pinapatay tayo nang unti-unti sa pamamagitan ng pagkakait ng mga serbisyong makapagdudulot sana ng maraming oportunidad sa mga mahihirap at mag-aangat sana sa kanilang kalagayan sa buhay. Walang tunay na kapayapaan hangga’t ang sistema at istruktura ng ating lipunan ay patuloy na magtutulak sa mga kabataang katulad ni Jemar na maniwalang wala na silang pag-asa, maniwalang wala nang ibang paraan para sila ay mabuhay kundi karahasan, at maniwalang hindi na mahalaga ang kanilang dignidad. Walang kapayapaan kung hindi tayo totoong magmamalasakit sa mga tulad ni Jemar na kumapit na sa patalim para lamang mabuhay.

Hindi ito ang kapayapaang iniiwan at inihahandog sa atin ni Hesus.

Siya’y dumating upang tayo’y ilapit sa Ama. Dumating siya upang ipabatid sa atin ang kaharian at kalooban ng Diyos. Tinuruan niya tayo tungkol sa tunay na pagmamahalan at pagkalinga sa bawat isa lalo na sa mga mahihina at mahihirap. Nangaral din siya tungkol sa pagkakapantay-pantay sa lipunan at sa mata ng Diyos Ama. Sa gitna ng lahat ng ito ay alam niyang maaaring maraming magalit sa kanya, maraming tataas ang kilay at magnanais na siya ay mawala sa eksena. Alam niyang ito ang magiging dahilan ng kanyang kamatayan sa krus! Ngunit sa tuwing siya ay aalihan ng kaba at alinlangan, madalas natin siyang makikitang nakikipag-usap sa Ama. Idinudulog ang laman ng kanyang puso at isip. Ang ugnayang ito sa Ama ang nagpapalakas sa kanya. Ito ang nagpapalakas sa kanya at nagbibigay ng pag-asa na sa dulo ay hindi masasayang ang kanyang ginagawa dahil ang lahat ng ito ay para sa kabutihan at naaayon sa puso ng Diyos Ama. Dito niya hinugot ang kanyang dasal sa Ama na patawarin ang mga humiling ng kanyang kamatayan dahil sa kabila ng kasamaan nila ay hindi nila alam ang kanilang ginagawa.

Ito ang hamon sa atin bilang mga Kristiyano, bilang mga tagasunod ni Kristo. Alam kong mahirap. Alam kong nakakakaba. Alam kong nakatatakot. Ngunit tulad ni Hesus, nariyan ang Ama na nagpapalakas ng loob natin. Heto ang bilin sa atin: Magalak kayong lagi sa Panginoon. Inuulit ko, magalak kayo! Ipadama ninyo sa lahat ang inyong kabutihang-loob. Malapit nang dumating ang Panginoon. Huwag kayong mabalisa tungkol sa anumang bagay. Sa halip, hingin ninyo sa Diyos ang lahat ng inyong kailangan sa pamamagitan ng panalanging may pasasalamat. At ang kapayapaan ng Diyos na hindi kayang maunawaan ng tao ang siyang mag-iingat sa inyong puso at pag-iisip dahil sa inyong pakikipag-isa kay Kristo Hesus.

Advertisements

What do you think?

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: