Tag Archives: reflection

Pasko: Pagtupad sa Pangako ng Dakilang Pag-ibig

24 Dec

IMG_2796

Bakit nga ba ang love… complicated?

Ayon sa isang paborito kong manunulat na si Ricky Lee, sa kanyang librong Para kay B, “Me quota ang pag-ibig. Sa bawat limang umiibig, isa lang ang magiging maligaya. Ang iba, iibig sa di sila iniibig. Iibig nang di natututo. O iibig sa wala. O di iibig kailanman.”

Sino sa atin ngayon dito ang kasama sa 1 out 5 na liligaya sa pag-ibig? At sinu-sino sa atin ang kasama sa apat sa bawat lima na dinevastate ng pag-ibig? Taas ng kamay!

At paano nga ba natin malalaman kung ito ay pag-ibig na at hindi lang crush o infatuation? Pag-ibig daw ito kung “Kakabog ang dibdib mo, kikiligin ang kalamnan mo at kikirot ang puso mo. Kabog, kilig, kirot. Kapag naramdaman mo ang tatlong K, umiibig ka.”

Uulitin ko: Kabog, Kilig, Kirot.

“Hindi mo pwedeng mahalin ang isang tao nang hindi mo minamahal ang hilaga, silangan, timog at kanluran ng kanyang paniniwala. Kapag nagmahal ka’y dapat mong tanggapin bawat letra ng kanyang birth certificate. Kasama na doon ang kanyang libag, utot at bad breath. Pero me limit. Pantay-pantay ang ibinibigay na karapatan sa lahat ng tao upang lumigaya, o masaktan, o magpakagago, pero kapag sumara na ang mga pinto, nawasak na ang mga puso, nawala na ang mga kaluluwa at ang bilang ay umabot na sa zero, goodbye na.”

Kaya naman naiintindihan ko ang labis na tuwa ni Zechariah nang kanyang sinambit ang kanta na ating nabasa at narinig sa Gospel ngayon. Labis niyang pinapupurihan ang Diyos—ang Dakilang Mangingibig. Siya ang Diyos na patuloy na kumakabog ang dibdib sa pagmamahal sa atin. Siya ang Diyos na parating kinikilig sa bawat sandaling tayo ay makaalalang ang pangalan Niya ay sambitin at pasalamatan. At Siya rin ang Diyos na kumikirot ang puso sa bawat pagkakataong tayo ay nawawala sa ating mga sarili at nagkakasala. Ngunit sa kabila nito ay patuloy pa rin Siyang umiibig. Patuloy na kumakabog at kinikilig kahit na kumikirot. Sobrang dakila ng kanyang pagmamahal, walang limit. Dumating pa nga sa puntong pati ang kanyang bugtong na anak ay kanyang ipinadala sa sa atin dito para magkaroon tayo ng Pasko—ang pagtubos sa atin sa Kirot para tayo bumalik sa pagkabog at pagkilig.

Ang pangalawang bahagi naman ng kantang ito ni Zechariah ay para sa kanyang anak na si Juan Bautista… at pati na rin sa ating lahat na nakaaalam at nakaranas ng Dakilang Pag-ibig na ito. Ang sabi nya, “You, my child, shall be called the prophet of the Most High, for you will go before the Lord to prepare his way, to give his people knowledge of salvation by the forgiveness of their sins.” Tayo ay inaanyayahang ipagkalat ang magandang balita ng pagtupad ng pangako ng ating Panginoon na ipadadala niya ang kanyang anak na ating taga-pagligtas—Siya na papawi sa ating bawat kirot. Ang bawat isa atin ay inaanyayahang ibahagi ang love story-ng ito… ang love story natin sa ating Dakilang Mangingibig.

Ito ang kanta ni Zecharias. Isang kantang puno ng pasasalamat at pag-asa. Isang kanta ng labis na tuwa dahil isang isang nagmamahal na Diyos ang isinilang sa mundo!

Bago ako bumalik sa aking upuan, nais kong kunin ang pagkakataong ito na hawak ko ang mikropono para magpasalamat sa inyong lahat.

Unang linggo ng Setyembre nang ako ay nagdesisyong tumira dito sa Farm.

Kumabog ang dibdib. Maraming takot noong una. Maraming dahilan para magsabing “ayaw ko” o “wag na lang.” Mapapalayo ako sa aking kaibigan at pamilya, sa mga kapihang aking tinatambayan, at sa mundo na aking nakasanayan.

Kinilig sa maraming bagay. O sige na nga, pati na rin sa mga tao. Sa kabila ng mga limitasyon ng farm ay maraming bagay (at tao) ang naging dahilan ng aking maagang pagbangon sa umaga. Dagdag na ang magandang tanawin, ang mga masisipag na kasama ko sa trabaho, at ang mga professors na walang pagod sa pagpanhik dito para magturo. Ang bawat pagkumusta ko sa inyo sa tuwing tayo magkakasalubong sa daan at ang pagsagot nyo sa akin ng “OK lang, Sir” ay mga simpleng tuwa na nagtutulak sa akin para pagbutihin pa ang aking trabaho at umisip pa ng mga paraan kung paano pa natin mapabubuti ang pagtakbo ng operasyon at ng ating buhay dito sa farm.

Kumirot ang puso nang ilang ulit. Tulad ninyo ay nakakain ako ng langaw, nag-igib ng tubig na panligo at kung minalas-malas pa ay di nakaligo ng ilang araw, lumubog ang paa sa putik, nagtulak ng sasakyan, nasigawan ng mga tricycle drivers, at iba pa. At sa tingin ko ang pinakamatinding pagkirot ay ang aking pag-alis ilang araw na lang mula ngayon.

Di ko na ikukuwento ang proseso na nagdala sa akin sa desisyong magpunta dito, ngunit sa aking paglingon sa nakalipas na apat na buwan, wala akong nararamdamang pagsisisi. Babaunin ko ang ang inyong mga kuwento. Babaunin ko ang inyong mga ngiti. Magsisimula na ako sa bago kong trabaho sa January 5, kasabay din ng inyong pagsisimula sa 3rd term. Tuloy ang buhay. Alam kong magkikita-kita tayo sa mga susunod pang araw, buwan, at taon. At ako ay umaasa na kapag dumating ang araw na tayo ay magkasalubong sa daan sa Makati o kaya naman ay sa Washington DC, USA, ay mas mahaba na sa “OK lang, Sir” ang inyong magiging sagot kapag kayo ay aking kinumusta. Kwentuhan tayo. Sagot ko na ang kape.

Tandaan: ‘wag kayong matakot na umibig at piliing mamuhay nang masaya at may pag-asa. Ang Pasko ay pagpapaalala sa atin sa pagtupad sa pangako ng Dakilang Pag-ibig.

Maraming maiming maraming salamat sa inyo. Magandang umaga. Maligayang Pasko!

=====

I gave this Sharing on Day 9/9 of the 9 Mornings Prayer Service at Salikneta Farm. 🙂

Advertisements